Nasamsam ng Mandaluyong City Police ang 102 grams na umano’y shabu at may katumbas na halagang P693,600 matapos ikasa ang buy bust operation nitong Sabado ng 10:30 ng gabi sa kahabaan ng Block 6, Barangay Addition Hills, ng naturang lungsod.
Dahilan para maaresto ang mga tulak umo ng ilegal na droga sa nasabing lugar na nakilala sina Jerico Emaas, 27-anyos; Ricky Borjal, 34-anyos; at Dairic Ganaban, 23-anyos, mga construction worker, at residente ng nasabing Barangay.
Kasabay nito, nasagip din ang dalawang menor de edad na batang lalaki na ginagamit umano’y ng mga suspek sa kanilang mga transaksyon.
Batay sa inisyal na ulat, nabilhan ang mga suspek ng isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer ng isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nagkakakahalaga ng P8,000 dahilan para makumpirma ang ilegal na gawain ng mga suspek.
Nakakulong na ang tatlong suspek sa Mandaluyong City PNP custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Drugs Act of 2002.
Habang ang dalawang batang lalaki ay i-tinurn over naman sa Bahay Pag-asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).