Higit 100 katao, nahuling lumabag sa ipinatutupad na curfew sa Parañaque City

Umaabot sa 106 na indibidwal ang nahuling lumabag sa ipinatutupad na curfew sa lungsod ng Parañaque.

Kabilang na rito ang 19 na menor de edad na pansamantalang dinala sa covered court ng mga barangay saka pinauwi nang sunduin ng kani-kanilang mga magulang.

Sa datos ng Parañaque Philippine National Police, nasa 525 na ang kabuuang bilang ng mga lumalabag sa curfew sa loob ng tatlong araw.


Sa Barangay Baclaran na siyang may pinakamataas na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 na nasa 99, umaabot sa 97 ang lumalabag sa curfew na karamihan ay pawang mga residente nito na ikinadismaya ng mga opisyal ng barangay.

Bukod sa multa, pinag-squat nang kalahating minuto at pinakanta ng Lupang Hinirang ang mga lumabag bago pinayagang makauwi.

Ang mga 2nd at 3rd offender naman na walang pambayad ng multa na aabot sa P2, 000 at P3, 000 ay mananatili sa Detention Facility ng barangay nang anim na oras.

Ang mga indibidwal na may sapat na dahilan ay agad na pinauuwi kung saan ang ibang mga lumabag sa curfew na hindi nakasuot ng face mask at face shield at nag-iinuman pa sa pampublikong lugar ay mayroong karagdagang multa o parusa.

Facebook Comments