Higit 100 katao, tinamaan ng amoebiasis sa Cagayan at Kalinga!

Umabot sa 109 residente sa probinsya ng Cagayan at Kalinga ang naospital matapos na tamaan ng amoebiasis.

Ayon kay Dr. Carlos Cortina III, ng Cagayan Provincial Health Office, sunod-sunod ang pagsugod sa district hospital ng mga pasyenteng tinamaan ng amoebiasis nitong nakaraang linggo.

Karamihan aniya sa mga tinamaan ay mga bata na mula sa Allacapan, Aparri, Buguey, Camalaniugan, Gattaran, Lal-Lo, at Lasam sa Cagayan, at kalapit probinsya ng Kalinga.


Nagsimula aniya na magkasakit ang mga ito matapos ang sunod-sunod na pagtama ng bagyo sa probinsya nitong nakalipas na buwan.

Ang amoebiasis ay nakukuha sa pagkain o pag-inom ng kontaminadong parasite na Entamoeba Histolytica kung saan ilan sa mga sintomas nito ay ang diarrhea, pagsusuka at biglaang pagbaba ng timbang.

Bunsod nito, nagpaalala ang provincial government sa publiko na tiyakin na ligtas at malinis ang mga inihahandang pagkain at inumin.

Facebook Comments