Umabot sa 130 “kuliglig” o improvised tractor-trikes na bumibiyahe sa EDSA-Balintawak area ang kinumpiska ng Quezon City Government.
Ito ay bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa mga kolorum na sasakyan.
Nabatid na noong November 2019 ay binigyan na ng warning ng Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management ang mga kuliglig pero hindi raw ito tumigil sa kanilang operasyon.
Ayon naman kay Ben Ibon, Head ng Tricycle Regulatory Division, pinagbigyan lamang ang mga kuliglig ng City Government noon dahil magpapasko kaya hindi na nila pwedeng maging dahilan na wala silang pagkakakitaan.
Aniya, maraming support programs para sa kanila ang maaari nilang pagkakitaan, tulad ng livelihood assistance na pamalit sa iligal na operasyon ng kuliglig.
Lahat ng mga nahuling driver, ay maaari ring makapag-avail ng “Balik Probinsya” program kung saan papayagan silang mabawi ang mga kinumpiskang side cars, at gamitin sa kanilang kabuhayan sa kani-kanilang lalawigan.
Maaari rin nilang isuko sa pamahalaang lungsod ang kanilang sidecars kapalit ng P5,000 cash aid, at alternative livelihood assistance o di kaya ay pag-apply ng e-trike program sa city hall.
Bukod dito, may alok pa ang City Government ng livelihood assistance para sa kanilang asawa at scholarships, para sa mga anak ng mga “kuliglig” driver.