Boluntaryong nag-duty ang nasa mahigit isang daang medical intern ng Philippine General Hospital (PGH) para maging frontline sa kabila ng kautusang umuwi sa kani-kanilang tirahan.
Unang inanunsiyo ng University of the Philippines (UP) na nagbigay ng direktiba ang Association of the Philippine Medical Colleges na pauwiin ang lahat ng medical interns sa mga ospital sa National Capital Region.
Pero sa kabila nito, boluntaryo pa ring bumalik sa duty ang mga interns para tumulong sa mga pasyente at iba pang gawaing pangmedikal.
Hinangaan naman ng pamunuan ng UP ang ginawang hakbang ng mga intern na isang pagpapakita ng tunay na bayanihan sa gitna ng banta ng coronavirus disease o covid-19 na kinakaharap ng bansa.
TIniyak naman ng PGH ang mga personal protective equipment, pagkain, tirahan, at standby medical care sa kanilang lahat.
Nauna na nga rito ang pag-apela ng ospital sa mga donasyon para sa panggastos sa protective gear sa kanilang mga empleyado.