Higit 100 pamilya, inilikas dahil sa bakbakan ng militar at rebeldeng NPA sa Negros Occidental

Mahigit 100 pamilya ang lumikas matapos maipit sa bakbakan ng mga miyembro ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army at rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Quentin Remo, bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental.

Ayon sa mga residente, ayaw nilang madamay ang kanilang pamilya kaya minabuti nilang umalis at sa kabilang bayan na muna manunuluyan.

Ayon sa Moises Padilla Police, nangyari ang sagupaan nang maabutan ng mga sundalo ang tinutugis na mahigit limampung miyembro ng NPA sa lugar.


Naniniwala sila na ang grupo ng mga rebelde ang responsable sa pagpaslang sa re-electionist councilor na si Jolomar Hilario sa Barangay Inolingan nitong Linggo ng umaga.

Hindi pa matukoy ng pulisya kung may nasugatan o namatay sa engkwentro sa hanay ng rebelde. Pero isang sundalo naman ang sugatan.

Samantala, nakuha ng mga militar mula sa lugar ang ilang “war material” at tatlong improvised explosive devices (IEDs).

Facebook Comments