Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel na nasa 126 na mga Filipino pa ang nais makabalik ng bansa.
Ito ay matapos silang ma-stranded sa Japan makaraang magpatupad ng travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Ambassador Laurel na sa oras na payagan na ang pagbabalik operasyon ng mga eroplano ay kanila nang mapapauwi ang mga na-stranded nating mga kababayan na kinabibilangan ng mga turista, estudyante na nakatapos na ng kanilang training o pag-aaral at ilang skilled workers.
Sa kabila nito, sinabi rin ni Laurel na nakapag-pauwi na sila ng humigit kumulang 1,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) at Seamen na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Mabuting balita naman dahil lahat ng tinamaan ng COVID-19 na mga Pilipino sa Japan ay gumaling na kabilang na rito ang mga seabased OFWs mula sa MV Diamond Princess at MV Costa Atlantica.