Manila, Philippines – Tinatayang nasa 1,054 na professional boxer ang makikinabang sa Memorandum of Agreement na nilagdaan ngayong araw sa pagitan ng Department of Health at Games and Amusement Board (GAB).
Sa ilalim ng kasunduan, libre na ang medical examination services ng mga boxer tuwing sasailalim ang mga ito sa aplikasyon sa laban o kaya naman ay magre-renew ng boxing license.
Ilan sa mga serbisyo ay ang CT scan, Eye Examination, Neurologic Clearance, at HIV at Hepatitis C screening.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, sa ganitong pamamamaraan, maipapaabot ng pamahalaan ang pagsuporta sa mga boksingero.
Ayon sa kalihim, makalipas ang tatlumpung araw mula ngayon, bubuo sila ng komite na bablangkas sa mga guidelines para maiimplementa na ang nilalaman ng nasabing kasunduan.
Manggagaling ang budget para sa naturang programa sa Medical Assistance Program Fund ng DOH.
Kaugnay nito, pag-aaralan na rin nila ang pagsasama ng mga amateur boxers sa mga benepisyaryo ng naturang kasunduan.