Umabot na sa 1,184 na healthcare workers at empleyado ng Philippine General Hospital (PGH) ang naturukan ng unang dose ng Sinovac vaccine.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, ang Spokesperson ng PGH, ang nasabing bilang ay naitala mula nang magsimula ang COVID-19 vaccine rollout noong Lunes.
Ngayong nasa ikaapat na araw na ang COVID-19 vaccination, sinabi ni Del Rosario na dito na malalaman kung mas dadami pa ang mga medical frontliner ng PGH na nais magpabakuna.
Dagdag pa ni Del Rosario, mula sa 8% na nagpa-rehistro na mga taga-PGH para sa Sinovac vaccine, umakyat na ito sa 25%.
Nasa 75% o karamihan pa rin sa medical frontliners at mga tauhan ng PGH ay mas gusto ang bakuna ng AstraZeneca o Pfizer.
Iginiit pa ni Del Rosario na malalaman din kung hihintayin na lamang muna ng iba pang healthcare workers ng PGH ang AstraZeneca, na ang suplay ay inaasahang darating mamayang gabi.
Nauna nang nagbigay ang Department of Health (DOH) sa PGH ng 1,200 doses ng Sinovac kung saan dinagdagan pa ito ng 3,000 doses para mabigyan ng tig-dalawang doses ang nasa 2,100 na medical frontliners.