Nasa 1,200 na ang dumalaw sa yumaong mahal nila sa buhay sa Bagbag Public Cemetery, sa Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Gene Biglang Awa, ang administrador ng nasabing sementeryo, wala namang naitatalang untoward incident hanggang sa mga oras na ito.
Aniya, mamayang hapon hanggang sa Miyerkules, Nobyembre 2, inaasahan ang dagsa ng mga tao sa Bagbag Public Cemetery kung saan inaasahang papalo ito sa 500,000 katao.
Samantala, mahigpit ang seguridad na pinatutupad dito.
Hiwalay ang entrance ng babae at lalake at sila ay kinakapkapan upang walang maipuslit na ipinagbabawal na gamit tulad ng speakers, baraha o anumang gamit pang sugal, alak o anumang uri ng inuming nakalalasing.
Pagkapasok sa entrance, hihingan ng vaccination card ang mga batang kasama ng mga magulang habang mahigpit na ipinatutupad dito ang no face mask, no entry policy.
Ito’y kahit na may inilabas nang kautusan ang Palasyo na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor at indoor settings para na rin sa kaligtasan ng lahat dahil sa nananatiling banta ng COVID-19.
Kinakailangan ding mag-log in sa kanilang log book ang mga pupunta dito sa sementeryo.
Nagkalat naman ang mga pulis sa paligid upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lugar.