Pinuri ng Department of Science and Technology (DOST) ang mahigit 1,000 scholars nito na nag-volunteer para sa laban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay DOST-Science Education Institute Director Josette Biyo, mula sa 500 volunteers noong Abril, umabot na sa 1,081 ang tumutulong sa ahensya sa gitna ng pandemya hanggang noong June 5.
Tumutulong ang mga DOST scholars sa relief operations, data encoding at validation ng distrubusyon ng cash aid mula sa gobyerno, produksyon ng Personal Protective Equipment (PPE) at alcohol, pag-develop ng online tracking mechanism para sa mga Persons Under Investigation (PUIs) at Persons Under Monitoring (PUMs).
Ilang Filipino scientist din mula abroad na umuwi sa Iloilo at scholars mula sa University of San Agustin ang nakikibahagi sa epidemiological modelling ng COVID-19.
Kinilala rin ng ahensya ang naging ambag ng isa nitong scholar na si Shana Genevia na naging bahagi ng DNA sequencing core facility na tumulong sap ag-validate ng COVID-19 test kit na na-develop ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).