Umaabot sa higit 1,000 bakateng trabaho ang inaalok ng Navotas City Public Employment Service Office (PESO) sa kanilang Mega Job Fair.
Ayon kay Estelita Aguilar ang PESO Manager ng Navotas Local Government Unit, nasa 1,348 na bakanteng trabaho ang maaaring pagpilian ng mga aplikante.
Mula ito sa 22 kompanya na nakilahok sa Mega Job Fair kung saan may alok rin na iba pang serbisyo mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Pag-IBIG, Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ilan sa mga maaaring pagpilian na trabaho ay service crew, cashier, sales clerk, factory worker, waiter, accountant, engineer, operator, manager at iba pa.
Maging ang Department of Education (DepEd) Navotas ay nakibahagi rin sa isinasagawang Mega Job Fair kung saan naghahanap sila ng mga public school teacher, admin assistant at guidance councilor.
Dagdag pa ni Aguilar, target nila ang nasa 1,000 aplikante na matulungan makahanap ng trabaho.
Aniya, prayoridad sa nasabing job fair ang mga residente ng Navotas City pero bukas din ito sa mga indibdwal na nakatira sa mga kalapit na lungsod.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng selebrasyon para sa ika-117 anibersaryo ng pagkakatatag ng Navotas.