Higit 1,000 tricycle driver sa ASAC Covered Court sa Manila ang tumanggap ng ₱5,000 cash relief assistance mula sa pamahalaan.
Bahagi ito ng programa ng gobyerno upang matulungan ang mga tsuper na apektado ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanguna sa pamamahagi ng ayuda sa lungsod.
Ayon sa ilang benepisyaryong tsuper at operator, malaking tulong ang ₱5,000 ngunit posibleng kulangin ito kung patuloy pang tataas ang presyo ng petrolyo.
Sinabi naman ng pangulo na simula pa lamang ito at tiniyak niyang mabibigyan ng tulong ang lahat ng kwalipikadong driver.
Matapos ang talumpati ng pangulo, nagsigawan ng “BBM! BBM! BBM!” ang mga tricycle driver na dumalo sa programa.
Isinigaw din ng mga tsuper ang “Yorme” dahil kasama ni Pangulong Marcos si Manila Mayor Isko Moreno sa pamamahagi ng cash assistance.
Umikot at nakipag-usap din ang dalawa sa ilang driver na nakapila sa programa.
Matatandaang binigyang-diin ng pangulo na ipinagbabawal ang pamumulitika sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno sa ilalim ng “Anti-Epal” policy ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
