Higit 10,000 estudyante, nais mag-avail ng “Hatid Estudyante” program

Umabot na sa higit 10,000 estudyanteng stranded sa mga dormitoryo at eskwelahan ang humingi ng tulong sa pamahalaan para makauwi sa kanilang mga bahay.

Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, higit 10,300 ang nagparehistro online para sa “Hatid Estudyante” program ng Department of Transportation (DOTr).

Pero sinabi ni Santiago na kailangan pa ring salain ang listahan dahil posibleng nagkaroon ng double entries.


Ang mga stranded na estudyante ay pwedeng magpalista sa pamamagitan ng pag-fill up ng online form kung saan hihingin ang kanilang personal details.

Ang mga estudyanteng may edad 18-anyos pababa ay kailangang magpakita ng letter kung saan nakalagay ang parent’s consent.

Sa ilalim ng programa, susunduin ang mga estudyante sa kanilang mga dormitoryo kapag naglabas ng confirmation ang local government na kanilang uuwian na papayagan silang makapasok.

Nagkaroon na sila ng kasunduan sa dalawang lokal na pamahalaan para maiuwi ang unang batch ng mga estudyante.

Sa survey na isinagawa ng Commission on Higher Education (CHED) nasa 9,000 college students ang stranded sa mga dormitoryo at eskwelahan sa buong bansa.

Facebook Comments