Nakapagtala ang Department of Transportation (DOTr) ng 10% na pagtaas sa foreign national arrivals simula nang buksan ng bansa ang pinto nito sa mga banyagang fully vaccinated na mula sa non-visa required countries.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOTr Usec. Raul Del Rosario na base sa datos ng one health pass kung saan nata-track ang mga arrivals at base narin sa monitoring ng Department of Tourism (DOT), magmula noong February 10 hanggang February 15 ay umaabot na sa 10,676 ang naitalang foreign national arrivals.
Ani Del Rosario, kasama rito ang 4,579 former Filipinos at 5,795 foreign tourists.
Sinabi pa nito na 5,000 ang daily passenger quota sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pero lumalagpas ito nang hanggang 6,500 sa kada araw.
Habang ang daily passenger quota naman sa Clark ay 1,200 at 2,000 sa Cebu.
Inaasahang tataas pa ang foreign arrivals pagpasok ng buwan ng Marso kung saan tiyak na pangunahing destinasyon ay ang mga kilalang beach sa bansa.