Target ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan na tipunin ang mahigit 10,000 batang babae bilang bahagi ng pinalalakas na kampanya kontra sexual harassment at pang-aabuso sa kababaihan at mga kabataan sa lungsod.
Ito ay inanunsyo sa isinagawang flag raising ceremony kahapon, Pebrero 2, kung saan inilahad ang layunin ng lungsod na tuluyang i-zero out ang sexual harassment sa Dagupan City.
Ayon sa city government, kasalukuyan nang pinaghahandaan ang isasagawang Women and Girl Child Summit ngayong Marso bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women’s Month at Girl Child Week.
Layunin ng nasabing aktibidad na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababaihan hinggil sa kanilang mga karapatan at mga mekanismo ng proteksyon laban sa sexual at verbal abuse.
Katuwang ng lokal na pamahalaan sa kampanya ang Teen and Women’s Center, gayundin ang iba’t ibang organisasyon at mga paaralan mula elementarya hanggang high school sa lungsod.
Giit ng pamahalaang lungsod, ang inisyatibang ito ay mahalagang hakbang upang mapalakas ang kamalayan ng kabataan at tuluyang mapuksa ang pang-aabuso laban sa kababaihan at mga batang babae sa Dagupan City.








