Umabot na sa 1,104 Local Government Units (LGUs) ang nakapagsumite na ng liquidation report sa field offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, maraming mga LGU pa rin ang tinatapos pa ang report para sa unang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Nasa 1,542 LGUs naman aniya ang nakapagkamit ng 100 percent completion rate sa pamamahagi ng SAP.
Kasabay nito, pinuri naman ng DSWD ang nasa 3,723 na beneficiaries ng SAP na nagsauli at hindi na tumanggap ng tulong pinansyal mula sa naturang programa.
Paliwanag ni Paje, isinauli ng mga benepisyaryo ang cash aid na nagkakahalaga ng ₱20.3 million dahil sa duplication ng assistance mula sa iba pang government agencies.
Habang nasa 179 Local Government Units din ang nag-refund ng mahigit ₱324.4 million emergency cash assistance.
Tiniyak naman ni Paje na gagamitin ng ahensya ang refunded amount sa implementasyon ng second tranche ng SAP.