Umabot na sa 11,000 indibidwal ang inilikas dahil sa bagyong Amang.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 2,678 pamilya o 11,153 na tao ang pre-emptively evacuated sa walong lalawigan.
Ayon kay NDRRMC at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ricardo Jalad – karamihan na sumailalim sa pre-emptive evacuation ay sa Albay, Camarines Sur, Masbate, Eastern Samar, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Nasa 145 siyudad o bayan sa Bicol Region at Caraga ang nagkansela ng klase dahil sa sama ng panahon.
Aabot naman sa 374,995 family food packs (FFPS) na nagkakahalaga ng ₱133 million ang handang ipaabot sa mga apektadong pamilya.
Nananatiling nasa blue alert status ang NDRRMC.