Bagama’t hindi magandang balita na may ilang mga manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay ngayong umiiral ang Alert level 3 sa National Capital Region (NCR) at malaking bahagi ng bansa.
Ikinatuwa naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III na mas kakaunti ang bilang ng displaced workers.
Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Bello na base sa naunang pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI), aabot sa 100,000 hanggang 200,000 ang mawawalan ng trabaho kasabay ng pag-iral ng Alert Level 3 sa Metro Manila, pero base sa datos na kanilang nakalap ay nasa 11,500 workers lamang ang mga ito.
Paliwanag ni Bello, ang mga ito ay kung hindi na-retrench ay nag-close ng operation ang pinapasukan nilang trabaho.
Nasa 20,000 manggagawa naman ang nabawasan ang kanilang oras ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng flexible working arrangement.
Ibig sabihin, imbes na walong oras ay limang oras na lamang ito sa kada araw o imbes na 5 days a week ang trabaho ay 3 times a week na lamang.
Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naglaan sila ng P1 billion cash assistance sa mga apektado ng implementasyon ng Alert Level 3.
Ito ay sa pamamagitan ng one-time P5,000 financial assistance sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).