Higit 11,000 na kaso ng pang-aabuso sa mga bata at kababaihan, naitala ngayong 2024

Nakapagtala ng 11,636 na kaso ng Violence Against Women and their Children (VAWC) ang Philippine National Police (PNP) ngayong taon.

Sa Malacañang press briefing, iniulat ni PNP Anti-VAWX Division OIC Police Lt. Col Andree Deedee Abella na ang bilang ng naitala ay hanggang nitong Nov. 30.

Sa naturang bilang, 11,522 sa mga ito ay cleared na, kabilang ang 7,025 na solved o nalutas na.


Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), isa sa kada limang kababaihang Pilipino ay nakararanas ng emosyonal, pisikal at sekswal na pangha-harass sa kamay ng kanilang kasalukuyan o pinaka-huling partner.

Sa ulat naman ng Department of Justice, 76% o mayorya ng mga nabiktima ng human trafficking sa bansa ngayong taon ay kababaihan.

Inilunsad naman ng DOJ ang bawal ang bastos video para sa pagsusulong ng Safe Spaces Act, Men Opposed to Violence Against Women Everywhere o MOVE program, at barangay IACAT program.

Habang isinusulong din ng Philippine Commission on Women ang 18-day Campaign to End Violence Against Women and Children, habang nananatiling aktibo naman ang 24/7 helpline ng PNP na sumbungan ng kababaihang makararanas ng karahasan o pang-aabuso.

Facebook Comments