Umabot na sa higit 11,000 drivers ng Public Utility Vehicles (PUVs) na apektado ng COVID-19 pandemic ang sumali sa bagong subsidy program ng gobyerno na layong makabangon ang sektor ng transportasyon.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), aabot sa 11,450 PUV drivers sa bansa ang sumailalim sa orientation ng service contracting program.
Sakop nito ang mga driver ng traditional at modernized public utility jeepneys, at public utility buses.
Hinimok ng LTFRB ang mga driver na magparehistro sa programa sa pamamagitan ng kanilang regional offices.
Bukod sa dagdag na kita para sa mga tsuper, ang subsidy program ay makakatulong para i-angat ang lebel ng serbisyo ng public transport system.
Aabot sa ₱5.58 billion ang inilaan para sa pagpapatupad ng programa sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Tinatayang nasa 60,000 PUV drivers ang makikinabang sa programa.