Higit 120K healthcare workers, hindi pa nakatatanggap ng One COVID Allowance ayon sa DOH

Mahigit 120,000 healthcare workers at iba pang tauhan na nagsilbi sa pandemic response ng bansa ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA).

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, 400,000 na mula sa kabuuang 526,727 healthcare workers ang nabigyan ng naturang benepisyo.

Inihayag ito ni Vega matapos sabihin noong nakaraang linggo ni Private Hospitals Assciation Philippines, Inc. (PHAPi) president Dr. Jose de Grano na mayorya ng mga pribadong ospital ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang OCA na taliwas sa sinasabi ng DOH at ng Department of Budget and Management (DBM).


Sabi ni Vega, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa PHAPI hinggil sa listahan ng mga ospital na may mga health workers na hindi pa nakatatanggap ng kanilang OCA.

Matatandaang naglaan ang DBM ng P7.92 billion na pondo para sa COVID-19 allowance ng mga healthcare workers at non-healthcare workers mula sa mga pampubliko at pribadong ospital.

Sa nasabing halaga, P4.5 billion ay para sa benepisyo ng 100,313 plantilla workers ng DOH sa mga public hospitals, mga opisina at rehabilitation centers kabilang ang mga military at state public hospitals.

Habang ang natitirang P3.42 billion ay para sa 426,414 health workers na nakatalaga sa mga local government units at private health facilities.

Facebook Comments