Pinalaya na ang nasa 124,576 na indibidwal na inaresto dahil sa paglabag sa quarantine protocols mula nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic nitong Marso.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, mula sa nasabing bilang 89,870 ang agad na pinalaya para sa regular filing habang 34,657 ang na-inquest at naka-uwi na matapos makapagpiyansa.
Mayroong 1,751 ang nananatiling nakadetine dahil sa paglabag sa Revised Penal Code o iba pang criminal offenses.
Pagtitiyak ni Malaya na makakalaya rin ang mga natitirang quarantine violators kapag naglagak sila ng piyansa o naglabas ng kautusan ang korte na sila ay palayain na.
Sa datos mula sa Joint Task Force COVID Shield, nasa 489,044 katao ang lumabag sa quarantine regulations at curfew rules sa buong bansa mula March 17 hanggang October 23.
Mula sa nasabing bilang 175,327 o 36% ang binigyan ng warning habang 189,190 o 38% ang pinagmulta.
Karamihan sa mga hinuli at ikinulong na quarantine violators ay nahaharap sa paglabag ng resistance and disobedience to a person in authority.