Cauayan City, Isabela- Umabot sa higit 137,000 sa Cagayan Valley ang naklasipika sa inisyal na talaan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD F02)- National Household Targeting Section (NHTS).
Ito ay batay sa ginawang household assessment ng ahensya kung saan nagbahay-bahay ang mga tauhan ng ahensya.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Jesly Layugan, Focal Person ng NHTS, 277 na pamilya ang inisyal na natukoy na mahirap sa Batanes; 53,251 sa Cagayan; 61, 898 sa Isabela; 17, 521 sa Nueva Vizcaya; at 4, 497 sa Qurino.
Gumamit ang ahensya ng Proxy Means Test (PMT) na isang istatistikang mekanismo na nagsasagawa ng computation ng kabuang kita ng isang pamilya.
Ang mga pamilyang may kinikita na mas mababa sa batayan ng kahirapan (Poverty Threshold) na tinakda ng pamahalaan ay tinuturing na mahirap. Ang poverty threshold ay ang “minimum” na halagang kinakailangan ng isang pamilya upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan nito.
Paglilinaw pa ni Layugan, ang listahanang ipapaskil ay “hindi” listahan ng mga benepisaryo na makakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP), Unconditonal Cash Transfer Program (UCT), o Social Pension for Indigent Senior Citizen.
Hindi rin ito listahan ng mga makakatanggap ng cash assistance para sa mga na naapektuhan ng bagyo at pagbaha.
Ito ay magiging batayan lamang na maaring gamitin ng DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagpili ng mga potensyal na benepisaryo sa mga serbisyo at programa na pinapatupad nito.