Higit 13M mahihirap na pamilya, nakatanggap na ng 2nd tranche ng SAP

Natanggap na ng 13.7M low income families ang lima hanggang walong libong tulong pinansyal sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Social Welfare & Development (DSWD)Undersecretary Glen Paje na nakapagpalabas na sila ng ₱82 billion para sa 13.7M benepisyaryo ng SAP.

Kabilang sa mga nabiyayaan ng ayuda ay ang mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps, gayundin ang mga non-4Ps, nasa waitlisted, mga nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) areas at mga tsuper na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.


Ayon kay Usec. Paje, mayroon pa ring mga benepisyaryo na hindi pa napagkakalooban ng tulong pinansyal dahil mali o kulang ang impormasyon na kanilang ibinigay sa DSWD.

Natatagalan din aniya ang distribusyon ng cash assistance dahil sa validation process na kanilang ginagawa upang maiwasan ang pagtanggap ng ayuda ng doble.

Dalawang paraan aniya para matanggap ang SAP assistance, una ay mano-manong pagtanggap kung saan pupunta ang mga kawani ng DSWD sa bawat LGUs at sa pangunguna ng special disbursing officers ng DSWD ibibigay ang tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

At ang pangalawa, sa pamamagitan ng electronic money transfer, kinakailagan lamang mag-register ng benepisyaryo sa ReliefAgad app upang doon nila pipiliin kung paano matatanggap ang cash aid na maaari sa bangko, money remittance center o ‘di naman kaya ay sa Paymaya at Gcash.

Facebook Comments