Nananatili pa rin sa Metro Manila ang higit 1,400 Locally Stranded Individuals (LSIs).
Sa public briefing, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na nasa 1,476 LSIs ang nasa pangangalaga ng Pamahalaan.
Aniya, binigyan ang mga ito ng pagkain at maayos na matutuluyan.
Nasa higit 7,000 LSIs sa Metro Manila na ang napauwi sa mga probinsya sa ilalim ng “Hatid Tulong” program ng Pamahalaan.
Mula July 4 hanggang 5, nasa 4,180 stranded persons ang nakauwi sa kanilang mga pamilya habang 3,820 nitong July 6 hanggang 7.
Karamihan sa mga LSI ay umuwi sa Cordillera, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Central Visayas, MIMAROPA, Northern Mindanao, Davao Region, Zamboanga Peninsula, at SOCCSKSARGEN.
Plano ng Pamahalaan na makapagsagawa muli ng Hatid Tulong sa mga LSI para maiuwi ito sa kanilang mga probinsya sa huling linggo ng Hulyo.
Sa ilalim ng government protocols, ang mga LSI ay kailangang sumailalim sa rapid antibody testing at medical assessment bago sila payagang bumalik sa kanilang hometown.