Cauayan City, Isabela- Aabot sa mahigit 15 indibidwal ang natukoy na naging direct contacts ng isang security guard na nagpositibo sa COVID-19 mula sa bayan ng San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Greg Pua, batay sa ginawang contact tracing kagabi ay nabatid na nakasalamuha nito ang lahat ng kanyang kapamilya kung saan nasa 15 ang natukoy at iba pang mga nakasalamuha na kapit bahay.
Napag-alaman rin na mayroon itong isa (1) na naging close contact sa bayan ng Ramon kaya’t kanyang hiniling sa pamahalaang lokal ng Ramon na magsagwa din ng contact tracing at makipagtulungan sa contact tracers team ng bayan ng San Mateo.
Sa ngayon ay isinailalim na sa lockdown ang ilang bahagi ng Purok 4 ng barangay Marasat Pequeño para ma-contain at mapilan ang pagkalat pa ng virus.
Mensahe naman ng alkalde sa publiko na sakaling makaramdam ng sintomas ng COVID-19 ay magpasuri agad sa Doktor upang malaman kung carrier na ng virus o ordinaryong sakit lamang.
Ang huling nagpositibo sa bayan ng San Mateo ay pang 29 na sa naitalang kaso ng COVID-19 kung saan 20 ang nakarekober.