Cauayan City, Isabela- Aabot sa kabuuang 167 violators ng special laws ang naaresto habang 30 supporters at miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa mga awtoridad sa isinagawang regionwide simultaneous anti-criminality law enforcement operations sa buong rehiyon dos.
Sa report na inilabas ng Police Regional Office 2, dinakip ang 114 wanted person sa bisa ng warrant of arrest habang apat sa mga ito ang top most wanted person.
Bukod dito, anim na drug personalities ang naaresto naman matapos makumpiskahan ng 2.6 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P24, 126 at 49.8 grams ng dried marijuana leaves na may market value na P13,847.
Maliban dito, kumpiskado rin ang siyam (9) loose firearms at explosives habang tatlong katao ang naaresto dahil sa paglabag sa RA 10591.
Samantala, umabot naman sa kabuuang 3, 363 board feet ng illegal na pinutol na kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng P168, 000.
Nagawa naman ng PRO2 na mapadali ang pagsuko ng pitong regular na miyembro, 20 tagasuporta at tatlong miyembro ng militia ng bayan na may kinakaharap na paglabag sa batas dahil sa kinasangkutang krimen.
Pinuri naman ni PRO2 Regional PBGen. Steve Ludan ang kapulisan dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng 24-hour SACLEO sa kampanya laban sa kriminalidad at insurhensiya sa rehiyon.