Higit 150 pamilya sa Mandaue City, inilikas dahil sa baha

Courtesy: Jimboy Monterola | Facebook

Nagpalipas ng gabi sa evacuation center ang nasa 152 pamilya kasunod ng naranasang pagbaha sa Mandaue City, Cebu kahapon.

Katumbas ito ng 722 indibidwal kabilang ang 208 mga bata at 18 senior citizens mula sa Sitio Laray sa Barangay Umapad.

Ayon kay Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Buddy Ybanez, ang pagbaha ay bunsod ng pag-apaw ng Butuanon River sa kasagsagan ng malakas na ulan.


Sa Cebu City naman, pitong pamilya sa Sitio Tapoko Lessandra Miramonte sa Barangay Pit-os ang nawalan ng tirahan dahil sa landslide.

Patuloy ang isinasagawang assessment ng CDRRMO sa lugar habang binabantayan din nila ang Kinalumsan River na umapaw din ang nagdulot ng pagbaha.

Nabatid na ito na ang ikalimang beses na nagbaha sa lugar sa loob lamang ng isang linggo.

Samantala, nakapagtala rin ng mga landlide sa Sitio Tagaytay, Barangay Kalunasan at Purok 5, Barangay Camputhaw kung saan ilang bahay ang nasira.

Facebook Comments