Monday, February 9, 2026

HIGIT 150 PWDS MULA REHIYON UNO, SUMAILALIM SA FINANCIAL LITERACY TRAINING SA ALAMINOS CITY

Sumailalim sa financial at digital banking literacy training ang mahigit 150 Persons with Disabilities (PWDs) mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Distrito Uno ng Pangasinan sa ginanap na Public Information Caravan sa Lungsod ng Alaminos.

Isinagawa ang kauna-unahang aktibidad sa Don Leopoldo Sison Convention Center bilang bahagi ng inisyatibo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng Provincial Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

Layunin ng programa na palawakin ang kaalaman ng mga PWDs sa responsableng paggamit ng mga serbisyong pinansyal, kabilang ang tamang paghawak ng pera, pag-iimpok, at ligtas na paggamit ng digital banking platforms.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos, sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at PDAO Alaminos, sa pagkakataong maging punong-abala ng programang nagtataguyod ng inklusibong kaalaman at pantay na akses sa serbisyong pinansyal para sa mga PWDs ng Distrito Uno. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments