Higit 15,000 residente ng Maynila, sumalang sa rapid tests

Tuloy-tuloy pa din ang isinasagawang mass testing sa lungsod ng Maynila, para matukoy ang mga residenteng mayroong COVID-19.

Sa pinakahuling COVID-19 monitoring ng Manila Local Government Unit (LGU), aabot na sa 4,694 ang naisagawang RT-PCR swab tests, habang 15,585 naman ang naisagawang rapid tests.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, mas maganda ang rapid tests dahil ito ay mas masinop at mas maagap na paraan para malaman ang mga posibleng nagkasakit ng COVID-19.


Sakali naman na magpositibo sa rapid test ang sinumang residente, tiniyak ni Yorme na isinasailalim ito sa confirmatory test o swab testing para mabatid kung kumpirmado bang may COVID-19 ang pasyente o negatibo.

Ang mga pagsusuri ay ginagawa sa mga pasilidad o ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Kasama na rito ang Manila Health Department, Gat Andres B. Memorial Medical Hospital, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.

Ang mga positibong kaso ng COVID-19 ay dadalhin sa mga quarantine facilities tulad sa Delpan, upang maiwasan na pagkakahawa sa mga kaanak o mga nasa komunidad.

Sa ngayon, sinabi ni Mayor Isko na tinatapos na lamang ang pagsasaayos sa iba pang mga napiling bagong quarantine facilities sa lungsod.

Base sa datos ng Manila Health Department, 932 ang mga residente ng lungsod ng Maynila na positibo sa COVID-19, 700 ang active cases, 86 ang namatay habang 146 ang naka-recover o gumaling mula sa sakit.

Facebook Comments