Marawi City – Nasa higit 150,000 mga evacuees na ang nabigyan ng psychological counseling ng Department of Health, ito ay kaugnay pa rin sa nagpapatuloy na bakbakan doon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute group.
Nilinaw ni Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, na hindi ibig sabihin nito, nasa higit 100 libo na rin ang nakararanas ng psychological problem o depression, dahil aniya, mandato talaga ng ahensya na isailalim sa stress debriefing ang lahat ng mga evacuees sa lugar.
Bukod sa psychological counseling, minomonitor rin ng ahensya ang tubig na iniinom ng mga nagsilikas sa mga evacuation centers.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa higit 131 libong indibidwal na ang kanilang nabigyan ng nutrition assessment, counseling tungkol sa breastfeeding at maging sa mga may problema sa malnutrisyon, habang higit 13 libo ang nabakunahan at nabigyan ng pampurga.
Sa kasalukuyan, nasa 646 na health personnel na mula sa DOH ang naka-deploy sa lugar, bukod pa dito ang tulong na nanggagaling sa mga Non-Government Organizations at mga volunteers.