Higit 150,000 magsasaka at mangingisda makikinabang sa fuel subsidy ng pamahalaan

Inumpisahan na kamakailan ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga mangingisda at magsasaka na apektado rin ng nagpapatuloy na oil price hike.

Sa Laging Handa press briefing, ipinaliwanag ni Agriculture Asec. Noel Reyes na ₱3,000 ang matatanggap ng bawat isang benepisyaryo o katumbas yan ng mahigit 158,000 na mga magsasaka at mangingisda.

Ayon pa kay Asec. Reyes, ₱500M ang pondong nakalaan para sa nasabing subsidiya.


Paliwanag nito, ibibigay ang ₱3,000 na fuel subsidy sa pamamagitan ng card mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) at iyon lamang ang ipapakita ng mga benepisyaryo sa mga gasolinahan na accredited ng Department of Energy.

Sa ngayon nakapagpamahagi na ang Department of Agriculture (DA) ng subsidiya sa 5,000 magsasaka at mangingisda sa Zambales, 1,000 sa Tacloban at tuloy tuloy na pamamahagi din ang isinasagawa ng kanilang regional at field offices sa buong kapuluan.

Facebook Comments