Tinatayang aabot sa 170, 000 vaccinators ang kakailanganin ng pamahalaan para sa gaganaping tatlong araw na National Vaccination Day sa katapusan ng Nobyembre.
Ito ang dahilan ayon kay National Vaccination Operation Center (NVOC) Dr. Keiza Rosario kung bakit puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa iba’t ibang medical associations sa bansa.
Sa press conference sa Malacañang, sinabi na malakihan ang ginagawang paghahanda ng gobyerno mula sa national level, patungo sa regional, pababa sa mga lokal na pamahalaan.
Una na rin nilang tiniyak sa mga lokal na pamahalaan na susuportahan sila ng national government at ipadadala ang mga kakailanganin nilang resources.
Ayon pa kay Dr. Rosario, posibleng sumampa pa sa 200, 000 ang bilang ng mga vaccinators na kakailanganin sa buong bansa kaya’t patuloy rin ang panghihikayat ng pamahalaan sa mga doktor, nurses, dentista, pharmacist at mga medical technologist na makibahagi sa bayanihang ito laban sa COVID-19.