
Cauayan City – Makakatanggap ng tulong pinansyal ang 1600 I-RISE beneficiaries mula sa lungsod ng Cauayan sa darating na ika-25 ng Marso.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ng Public Employment and Service Office – Cauayan City, gaganapin ang pay-out sa Community Center ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa PESO, ang mga benipesyaryo ng I-RISE 4 na nasa listahan ng makakatanggap ay ang mga Ambulant Vendors, Mananahi, Beautician/Manikurista, Kargador, Barbero, Masahista, Butcher, at ang mula sa karagdagang sektor katulad ng Vulcanizer, Welder, Nag-aayos ng sapatos, Watch Technician, Gumagawa ng susi, Gumagawa ng payong, Tagahasa ng kutsilyo, Mananahi, at Enterprising PWD.
Binigyang linaw din ng PESO na ang mga benepisyaryo ng I-RISE 4 ay ang mga nagpa-update ng kanilang profile na dati na ring benipesyaryo ng I-RISE 1,2, at 3, maging ang mga kabilang sa karagdagang sektor na nagpa-profile sa kanilang opisina noong September at October 2024 na naaprubahan ng Provincial Government of Isabela matapos pumasa sa kanilang assessment.
Pinaalalahanan naman ang mga benipesyaryo na tingnan ang kanilang pangalan sa opisyal na listahan, magdala ng photocopy ng anumang valid ID na may tatlong pirma, at tanging ang nakapangalan sa listahan lamang ang maaring tumanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P2, 725.