Umabot na sa 16,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang napauwi na sa kani-kanilang lalawigan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kaninang umaga, tatlong flights ang naka-schedule patungong Davao, Dumaguete at Puerto Princesa bukod pa ang ilang flights schedule ngayong hapon.
May dalawa ring barko ang pumalaot ngayong araw na halos 1,000 ang sakay patungong Cebu, Dumaguete, Ozamis, Iligan at Zamboanga City.
Nasa 100 bus din ang nakatakdang bumiyahe na magmumula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang ihatid ang mga OFWs sa North at South Luzon.
Ang nasabing bilang ay mula sa kabuuang 27,000 OFWs na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng resulta ng kanilang PCR test sa mga quarantine facilities sa Metro Manila.
Inaasahan na nasa 43,000 pa na Filipino migrant workers ang darating sa bansa sa Hunyo.
Ang mga ito ay pawang mga nawalan ng hanapbuhay sa ibang bansa bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.