HIGIT 160K MAG-AARAL SA ILOCOS REGION, NABAKUNAHAN SA ILALIM NG BAKUNA ESKWELA PROGRAM

Umabot na sa 164,774 na mga mag-aaral sa Ilocos Region ang nabakunahan laban sa measles-rubella, tetanus-diphtheria, at human papillomavirus (HPV) sa ilalim ng Bakuna Eskwela Program.

Batay sa datos mula sa Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Region 1, kabilang sa mga nabakunahan ay mga mag-aaral mula sa Grade 1, 4, at 7.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, tagapagsalita ng DOH-CHD Region 1, target ng kagawaran na mabakunahan ang 172,538 na kabataan sa buong rehiyon. Sa ngayon, ang Pangasinan ang may pinakamataas na bilang ng nabakunahan, na sinusundan ng Ilocos Sur, La Union, at Ilocos Norte.

Nagpaalala naman ang DOH-CHD sa mga magulang na may anak sa nasabing edad na hindi pa nabakunahan na maaari pa ring magtungo sa mga Rural Health Units upang makahabol.

Nagsimula ang programa noong Oktubre at pinangungunahan ng Department of Education (DepEd) at DOH.

Layunin nito na maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga sakit na maaaring makaapekto sa kanilang kalusugan at pag-aaral.

Patuloy na hinihikayat ng DOH at DepEd ang kooperasyon ng mga magulang at guro upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments