Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na umabot sa higit 1,700 ang bilang ng mga pasaherong hindi nakasakay ng tren sa unang araw ng “No Vaccination, No Ride” Policy.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan, sa kabuuan ay umabot sa 1,749 na commuter ang hindi pinasakay sa MRT, LRT-1, LRT- 2, at Philippine National Railways (PNR) dahil karamihan ay walang vaccination cards.
Bukod dito ay umabot din sa 102 ang mga pasaherong pinababa ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) habang nasa 32 na pampublikong sasakyan naman ang natiketan dahil sa paglabag sa administrative order ng DOTr.
Ikinasa ang magkakahiwalay na operasyon sa Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, at Aurora Boulevard sa Quezon City sa ikalawang araw ng “No Vaccination, No Ride” policy.
Samantala, nanawagan naman si Labor Sec. Silvestre Bello III ang pagkakaroon ng malawakang information drive o pagpapaunawa sa mga kawani ng DOTr at mga law enforcement agencies na hindi dapat pinagbabawalang makasakay ng pampublikong transportasyon ang mga manggagawa na hindi bakunado.