Higit 1,700 na piskal sa lahat ng prosecution offices sa bansa ang inaasahang madaragdag matapos lagdaan ng Department of Justice (DOJ) at Department of Budget and Management (DBM) ang joint circular para sa staffing standards and guidelines ng National Prosecution Service (NPS).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nasa 1,173 public prosecutors at 540 prosecution attorney ang inaasahang magiging dagdag puwersa ng NPS.
Napapanahon aniya ito dahil sa overburdened na ng mga kaso ang mga piskal na lubhang nakakaapekto sa lahat ng 246 prosecution offices sa bansa.
Sinabi pa ni Remulla na nangangailangan ang bansa ng mas marami at specialized prosecutors dahil sa nagiging mas sopistikado at gumagamit ng mga advanced na teknolohiya ang mga kriminal ngayon.
Inihalimbawa ng kalihim ang mga krimen gaya ng human trafficking, online sexual exploitation of children, POGOs at iba pang krimen na ginagawa gamit ang Internet.
Tiwala rin ang kalihim na malaki ang maitutulong ng mas maraming piskal para humawak sa cybercriminal cases.