Higit 180 indibidwal, apektado ng pagsabog ng Bulkang Bulusan

Tinatayang nasa 50 pamilya o mahigit 180 indibidwal ang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon kahapon.

Ayon kay Mark Timbal, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga apektado ay mula sa bayan ng Juban na ngayon ay nananatili na sa mga evacuation center.

Tuloy-tuloy naman ang paghahatid sa kanila ng pagkain, inuming tubig at hygiene kits mula sa lokal na pamahalaan.


Sabi ni Timbal, nakakaya pa ng LGU ang sitwasyon sa lugar pero nakaantabay na rin ang NDRRMC at ang national government sakaling kailanganin na nila ng karagdagang tulong.

Samantala, wala pa namang napapaulat na casualty bunsod ng pagsabog.

“Dun po tayo natutuwa kasi naging maayos at mabilis ang reaksyon ng local government unit alinsunod po dun sa mga preparasyon at contingency plan natin sa volcano emergency sa Bulusan,” ani Timbal sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.

Nakikita nga po natin na kahit ganon yung nangyari, naging malakas yung pagbuga ng abo ay wala pa rin po tayong casualty ngayon dahil naging maagap po ang pagkilos at pag-iingat ng ating mga kasamahan dyan sa ground,” dagdag niya.

Facebook Comments