Pinarangalan ang mahigit isang libong senior citizen sa lalawigan ng Ilocos Sur bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pamilya at komunidad sa ginanap na “Tribute to Elderlies” na bahagi ng Ilocos Sur Festival 2026.
Aabot sa 1,325 senior citizens ang nagtipon sa Farmers Livelihood Development Center sa Vigan City nitong Linggo, Pebrero 8, para sa taunang selebrasyon na iniaalay sa mga nakatatanda sa lalawigan.
Isa sa mga tampok ng programa ang paggawad sa Top 10 Most Distinguished Senior Citizens in Ilocos Sur na tumanggap ng sertipiko, plake, at tig-₱10,000 insentibo bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon.
Samantala, nakatanggap naman ng tig-₱2,000 na tulong-pinansyal ang lahat ng dumalo mula sa pamahalaang panlalawigan at iba pang donors.
Mas naging makulay ang okasyon nang ipamalas ng mga senior citizen ang kanilang husay at sigla sa pamamagitan ng Cultural Dance Competition, na sinabayan ng masasayang ngiti at palakpakan ng mga kalahok at manonood.
Ang aktibidad ay nagsilbing pagkilala at pasasalamat sa mga senior citizen na patuloy na nagsisilbing haligi ng kultura, tradisyon, at pagkakaisa ng mga pamayanan sa Ilocos Sur. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








