Umabot na sa 2.2 million low-income beneficiaries ang nakatanggap ng government financial assistance sa NCR Plus.
Katumbas ito ng 10-porsyento ng 22.9 million target recipients.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao, nasa 2,245,728 low-income earners na apektado ng pagpapatupad ng mahigpit na lockdown sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna ang naabutan ng ayuda.
Ang mga local government units (LGUs) ay nakapag-disburse na ng ₱2.24 billion na supplemental aid sa NCR plus o 9.8% payout rate.
Sinisikap aniya ng mga LGUs na mapabilis ang cash aid distribution.
Ang Metro Manila ang may mataas na distribution rate na nasa 16.48% o nasa 1.8 million beneficiaries na ang natulungan sa halagang ₱1.84 billion.
Kasunod ang Rizal kung saan 268,427 na ang nabigyan ng ayuda o may 10.27% payout rate.
Ang Cavite ay nakapag-disburse na ng ₱63 million na financial aid sa 63,044 recipients.
Sa Bulacan naman ay nakapamahagi na ng ₱43.9 million financial assistance sa 43,943 beneficiaries.
Paalala ng DSWD sa mga LGUs na maglatag ng grievance committees para sa mga reklamo at paglilinaw sa pamamahagi ng ayuda.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nakiusap na si Pangulong Duterte sa mga alkalde sa NCR+ na pabilisin ang distribusyon ng ayuda.
Nasa 22.9 billion pesos ang inilaan ng pamahalaan para sa cash aid distribution sa NCR plus bubble.