Higit 2-M bagong botante, naitala ng Comelec

Umaabot na sa 2,082,744 ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) na pawang mga bagong botante sa nagpapatuloy na Register Anywhere Program (RAP).

Ito ang inilabas na datos ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa loob lamang ng dalawang buwan ng simulan ang pagpapatala.

Pinakamaraming bilang ng mga bagong botante ay nagmula sa CALABARZON o Region 4A na nasa 386,256 na sinundan ng National Capital Region (NCR) na nasa 312,865 at Region 3 na may 243,383.


Magtatagal ang voters’ registration ng hanggang September 30, 2024 kung saan positibo ang Comelec na maaabot nila amg target na hanggang 3 milyon na bilang ng mga bagong botante.

Patuloy pa rin umaapela si Garcia sa mga hindi pa nagparehistro na samantalahin ang pagkakataon dahil wala na silang ibibigay na extension matapos ang ibinigay na deadline habang hinihimok ang mga kabataan na magpatala at makiisa sa 2025 midterm elections.

Facebook Comments