Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi pa tiyak na makatatanggap ng educational assistance ang lahat ng mga estudyanteng nag-register online.
Ito ay makaraang umabot sa mahigit dalawang milyon ang nagparehistro para sa student cash aid gayong 400,000 lamang ang target beneficiaries ng programa.
Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, dadaan pa sa assessment ng DSWD ang lahat ng aplikasyon para masigurong kwalipikado sila sa ayuda.
“Meron po tayong nakikita talaga sa ating assessment na sila po ay hindi po ‘poorest of the poor,’ hindi po student-in-crisis, sila po ay hindi indigent… so we can say na dun po sa nalalabi nating mga estudyante na hindi pa nakatatanggap, meron pa rin po talaga dyan na hindi qualified ano po at ito po ay subject sa assessment ng ating social workers at subject sa availability of funds,” paliwanag ni Lopez sa panayam ng RMN DZXL 558.
Samantala, sabi ni Lopez, posibleng umabot pa sa kalahating milyong student-in-crisis ang mabibigyan nila ng tulong ngayong school year.
Habang pagkatapos ng huling payout sa September 24 ay pipilitin ng ahensya na ma-accommodate ang iba pang qualified students mula sa natitirang 1.5 million na nagparehistro.
Sa tulong ng mga mambabatas ay posible aniyang gawin ang payout kada distrito kung saan ipa-prayoridad ang mga hindi nakapagparehistro online dahil sa kawalan ng access sa gadget at internet.
“372,303 na po yung ating naaabot, P935.1 million na po yung ating ponding nadi-disburse. Sa atin pong estimate, syempre nasa 30,000 na lang po ika nga yung ating depoerensya dun sa 400,000 na ating target, we can expect na umabot na po sa kalahating milyon yung ating matutulungang estudyante,” ani Lopez.
“Sa pagtulong po ng ating mga mambabatas, sa pag-identify ng mga lugar para sa payout, per district po ang mangyayari ay baka po lumawak pa ito, mas marami pa ang ating maabot,” dagdag niya.