Umabot na sa 153 ang mga COVID-19 patient na ginagamot ng Philippine General Hospital o PGH, mula nang maging COVID-19 Referral Hospital ng Department of Health o DOH makalipas ang dalawang linggo.
Sa pahayag ni UP-PGH Medical Director Dr. Gerardo Legaspi, ang magandang balita dito ay 26 sa mga pasyente ay bumubuti na ang kundisyon.
Ayon kay Legaspi, nagpapasalamat ang PGH sa lahat ng frontliners na patuloy sa pagbibigay-serbisyo sa mga tinamaan ng COVID-19, sa harap ng pangamba at hirap sa oras ng trabaho.
Tinitiyak naman ni Legaspi na ang mga equipment ng PGH ay mga pinakamataas na uri at halos bago lahat kung saan sapat ang suplay ng personal protective equipment o PPE, maging ang mga gamot sa pharmacy o botika ng PGH.
Dagdag ni Legaspi, sa pamamagitan ng mga eksperto sa Department of Laboratory at ng Department of Medicine Section of Hematology, naidagdag ang convalescent plasma ng mga gumaling na pasyenteng may COVID-19 na maaaring maibigay sa mga nag-aagaw buhay na pasyente.
Maging ang mga tauhan ng Department of Emergency Medicine ay patuloy na ginagampanan ang mahirap at peligrosong papel ng pagiging “gatekeeper”.
At upang maibsan ang pag-aalala ng mga pasyente habang sila ay naka-quarantine o naka-admit sa PGH, mayroon tinatawag na “Tele-Kumusta” na naglalayong magkaroon ng komunikasyon ang mga COVID-19 patient sa kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng video call na pinangangasiwaan ng Medical Social Service ng UP-PGH.