Hindi paaawat at patuloy ang paghakot ng Pilipinas ng medalya sa ika-siyam na araw ng 30th Southeast Asian Games.
Nasa 23 Gintong Medalya ang napanalunan ng mga Pilipinong atleta sa Boxing, Jiu-Jitsu, Taekwondo, Karatedo, Kickboxing, at Wrestling.
Ang mga Pinoy Boxers ay nasungkit ang pito sa sampung Gintong Medalya sa iba’t-ibang Weight Divisions, na kinabibilangan nina eumir Marcial, Rogen Ladon, Carlo Paalam, James Palicte, Josie Gabuco, Charly Suarez, at ang World Champion na si Nesthy Petecio.
Sina Meggie Ochoa, Carlo Peña, at Dean Michael Roxas ay pinangunahan ang Jiu-Jitsu Team.
Si Jamie Lim, anak ni PBA Legend Samboy Lim ay nagdomina sa karatedo, Kurt Barbosa sa Taekwondo, at si Jerry Olsim sa Kickboxing.
Sina Jason Baucas at Noel Norada ay nag-uwi din ng dalawang ginto sa wrestling.
Tig-isang Ginto rin ang inuwi ni Melvin Calano sa Men’s Javelin Throw at Clinton Bautista sa 110-Meter Hurdles.
Nagdagdag si Dennis Orcollo ng Ginto mula sa Billiards.
Sa E-Sports ang Sibol Pilipinas ay nagwagi para sa Gintong Medalya matapos talunin ang Team Thailand sa best-of-five series sa Dota 2.
Mamartsa naman sa Finals ang Gilas Pilipinas matapos ilampaso ang Indonesia, 97-70 sa Men’s Basketball.
Nabigo naman ang Women’s Volleyball Team sa Five-Set Bronze Medal Match nito sa Indonesia.
Tatlong Ginto ang nakamit sa Water Sports.