Higit 200 corporate officers, sinampahan ng tax evasion case ng BIR sa DOJ

Nagsampa ng patong-patong na reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ngayong araw, laban sa 214 corporate officers dahil sa “tax evasion.”

Aabot sa 127 criminal charges ang inihain ng BIR para sa tinatayang ₱6.1 billion na halaga ng “tax liability,” sa ilalim ng BIR RATE Program.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, isa ito sa mga hakbang ng ahensya para mahabol ang mga negosyo, kompanya, at korporasyon na hindi nagbabayad ng tamang buwis.


Marami aniyang kumpanya o “across all industries” ang pinag-uusapan dito, gaya ng retail, importers, construction industries, at iba pa.

Kung mapapatunayang nagkasala, mahaharap sa parusang kulong, bukod pa sa civil at tax liabilities sa ilalim ng batas ang mga sangkot dito.

Tiniyak din ni Lumagui, na ang mga ipinagharap sa reklamo ay idinaan sa “due process,” na-audit at napadalhan ng kaukulang notice at pagkakataon na sumagot at magpakita ng mga dokumento.

Pero sadya aniya may mga negosyo na hindi tumutupad at lumalabag.

Matatandaan na noong Pebrero 2023, una nang nagsampa ng 74 na criminal charges ang BIR, na nasa mahigit sa ₱3 billion ang atraso sa buwis sa gobyerno.

Facebook Comments