Todo bantay ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa 9,000 Overseas Filipino Workers o OFWs na nananatili ngayon sa 240 hotel quarantine facilities.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na sa ngayon ay manageable naman ang sitwasyon.
Aniya, katuwang nila ang Philippine National Police o PNP sa pagmamanman sa kilos ng OFWs maging ng Returning Filipinos upang maiwasan ang pagpuslit ng mga ito sa pag-quarantine tulad ng ginawa ni “Poblacion girl.”
Sa ngayon, bahagyang nakakaranas ng pagka-antala sa paglabas ng resulta ng swab test kaya’t tumatagal din sa hotel quarantine facilities ang ating mga kababayan.
Maliban sa seguridad, nakatutok din sila sa concerns ng ating mga OFW.
Katunayan, mayroon silang group chats para tugunan ang mga reklamo ng ating mga kababayan lalo na sa kakulangan ng pagkain, tubig, gamot at pasilidad ng tinutuluyan nilang hotel quarantine facilities.