Umabot sa 53 pamilya o 269 individuals ang naapektuhan ng 6.6 magnitude na lindol na tumama sa Cataingan, Masbate.
Ito ang batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, karamihan sa mga apektadong pamilya ay sa mga barangay ng San Rafael, Pawican, Domorog, Poblacion at Malobago.
Nasa 11 pamilya o 40 indibidwal ang inilikas sa Cataingan National High School sa Barangay Poblacion.
Nasa 16 na bahay ang nasira ng lindol habang 19 na paaralan, anim na road sections at pitong tulay ang napinsala.
Umapela naman si Cataingan Mayor Felipe Cabataña ng tulong tulad ng pagkain, tubig, gamot, construction materials at tents para sa mga apektadong residente.
Aniya ang pondo ng Local Government Unit (LGU) ay naubos na sa pandemic response.
Sinabi naman ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, na nagpadala na ng relief aid sa Masbate Province para tulungan ang disaster response effors ng LGU.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Bicol Region (DSWD-5) ay mayroong nakahandang 22,705 food packs at higit 3 million standby funds para tulungan ang mga apektadong lugar.