Nasa 266 na senior healthcare workers ang target na mabigyan ng bakuna mula sa AstraZeneca kung saan sinimula na ito sa Ospital ng Maynila.
Ang nasabing bilang ng mga senior medical frontliners ay mula sa anim na district hospital ng lungsod at sa Manila Health Department (MHD).
Mismong si Dr. Arnold Pangan ng MHD ang nanguna sa pagturok ng bakuna kung saan ang 62-anyos na si Dr. Mario Lato na isang General Surgeon sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang unang nakatanggap ng AstraZeneca vaccine.
Ayon kay Dr. Pangan, ang ikalawang dose ng bakuna ay muling ituturok sa mga senior health care worker matapos ang sampung linggo.
Dumalo rin sa ikinasang vaccination para sa senior healthcare workers sina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na umalalay pa sa mga nabakunahan kasama si Dr. Karl Laqui ang Medical Director ng Ospital ng Maynila.
Ayon kay Moreno, nasa 1,000 doses ng AstraZeneca vaccine ang kanilang natanggap kung saan target nila ang nasa 500 na senior healthcare workers na mabigyan nito.
Aniya, bagamat nasa 300 mahigit lang ang bilang ng senior healthcare workers ng lokal na pamahalaan, ang ibang matitirang bakuna ay ipagkakaloob sa ibang healthcare workers na nais magpaturok ng AstraZeneca vaccine.
Sakali namang may dumating pang bakuna o iba pang bakuna, sinabi ng alkalde na agad nila itong ipamamahagi sa mga medical frontliner kung saan sa kasalukyan, wala pa namang senior healthcare worker ang nakaranas ng adverse effect.